
01
Ang Buhay Nga Naman
- Synopsis -
Iba-iba ang kuwento ng bawat isa sa atin, may tungkol sa saya, lungkot, at mayroon pa nga na masakit sa ulo. Isa ito sa manipestasyon na ang baat isa sa atin ay kaniya-kaniya ang daan na tinatahak. Bawat isa ay may sariling agos ng tubig na kailangan lusungin. Ang buhay ay lumilipas na parang oras at nagbabago na parang panahon. Ito ang reyalidad ng ating buhay. Hay buhay! Ikaw, anong kuwento mo?

02
WRITER’S BIONOTE & MESSAGE
G. Abdon M. Balde Jr.
Si Abdon M. Balde Jr. ay Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino na kumakatawan sa Wikang Bikol mula 2013 hanggang 2019. Dati siyang Tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Writers Union of the Philippines). Isa siya sa tagapagtatag ng Filipinas Copyright Licensing Society. Board Member ng Wika ng Kultura at Agham, kasapi ng Philippines PEN, at ng Kabulig Bikol Writers Organization. Tatlong taon siyang naging consultant ng National Bookstore. Marami siyang kwento at tula na nalimbag sa Liwayway, sa Ani Series ng Cultural Center of the Philippines, Likhaan at Sawikaan journal ng UP, Graphic Magazine, at iba pang textbook at journal.
Itinanghal siyang Albay Poet Laureate ng Albay at nahirang na Puno ng Historico-Cultural Unit ng Probinsyang Albay. Kasalukuyan siyang konsultant sa ikalawang Congressional District ng Albay.
​
Ang KISLAP ay kuwentong isang iglap. Ngunit malawak ang paksa, walang hangganan ang panahon, walang dulo ang mundo. Kagyat mang natapos ang salaysay ay malimitr na hindi halos matuldukan ang huling salita. Sa librong ito ay inilunsad ko ang KISLAP bilang kuwentong maaaring umabot, maaaring hindi, ngunit hindi hihigit sa 150 salita.
Kislap sa madilim at masalimuot na buhay ng tao, Kislap na naglalarawan sa isang daigdig, dito at sa kalawakan. Kislap na tumatanglaw sa landas ng isang naliligaw. Kislap ng katotohanang maglalantad sa pagkukunwari. Kislap ng karangyaan na nagbabalatkayong kasalaulaan. Kislap na nagpapasilip sa mga lihim na nagklakanlong sa madilim na lungga ng kasamaan. Kislap ng kagandahang nagkumahog umahon sa pangit na kaligiran.
Nasa 100 KISLAP ang lahat ng uri ng kuwento: pag-ibig at pagtataksil, unang pagtatagpo, pangungulila sa yumao. Mga pangarap at pangitain, krimen at paghihiganti, kababalahan at kabalbalan, ligaya at lumbay, katatwa at katawa-tawa, sarili at ibang daigdig.
Mula sa 100 KISLAP ni Abdon Balde Jr. at inilimbag ng Anvil Publishing, Inc.

03
DIRECTOR’S BIONOTE & MESSAGE
G. Victor Deseo
Si Victor Deseo ay instruktor sa Kagawaran ng Sining Pagtatanghal sa Kolehiyo ng Arte at Literatura ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Nagtapos siya mula sa Pamantasang Normal ng Pilipinas (PNU) sa kursong Speech and Theater Arts noong 2017. Naging bahagi na rin siya ng iba’t ibang produksyon at pagtatanghal ng PNU Speech and Theater Arts Guild in Education, UP Repertory Company, Dulaang UP, Tanghalang Pilipino, at Ladies Who Launch.
Kasalukuyan, kumukuha siya ng Master of Arts in Theater Arts sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman at nagpapalalim sa disiplina ng adaptasyon, dramaturhiya, at pagtatanghal.
Ang Lantaw 2022 ay isang sinusubok na proposisyon sa pagkakaugnay ng disiplina ng acting at dramaturgy. Sa sinimulang pag-aaral ni Patricia D. Rodley taong 2014, sinilip at sinuri niya kung paano nagkakaroon ng malaking gampanin and disiplina ng dramaturgy sa paghulma sa proseso ng pagganap at pagtatanghal ng isang aktor.
​
Sa produksyong ito, sinusubok ng mga mag-aaral ng Batsilyer ng Sining Pagtatanghal ang pagkakaugnay ng dalawang disiplina na dumaan sa mga sumusunod na proseso: pagsasa konteksto at pagbuo ng adaptasyon na pinagmulang materyal, pagsulat ng sariling manuskrito halaw sa orihinal na materyal, pagbuo sa naratibo at mundo ng karakter, pag-aanalisa ng karakter, pananaliksik sa mundo ng karakter at sa kaligiran ng materyal, at pagsinop sa mga sangguniang tumulong upang mahulma ang kanilang pagtatanghal.
Hindi pa man ganoon kalinis ang produksyon dahil sa ilang mga limitasyon ngunit isa itong hakbang upang masimulan ang sinubok na proposiyon sa pamamagitan ng patulo na pag hulma sa proseso ng pagganap sa lente ng dramaturhiya at kung paano nito binabalanse ang teorya at praktika sa disiplina ng pagtatanghal.